Saturday, September 22, 2007

I cried on this one.

I cried on this one. Really really sad parent poem. Thumbs up to the author! And thanks to the one who posted this.

Credits: Teentalk Homebound


sulat ng mga magulang sa anak...

Sa aking pagtanda, unawain mo sana
ako at pagpasensyahan.

Kapag dala ng kalabuan ng mata ay
nakabasag ako ng pinggan o nakatapon
ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong
kagagalitan.

Maramdamin ang isang matanda.
Nagse-self-pity ako sa tuwing
sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko
at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo,
huwag mo naman sana akong sabihan ng
"binge!"
paki-ulit nalang ang sinabi
mo o pakisulat
nalang. Pasensya ka na, anak.
Matanda na talaga ako.


Kapag mahina na tuhod ko,
pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo,
katulad ng pag-aalalay ko sa iyo
noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging
makulit at paulit ulit na parang sirang plaka.
Basta pakinggan mo nalang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.


Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
kapag gusto mo ng lobo,
paulit-ulit mo 'yong sasabihin,
maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo
nakukuha ang gusto mo.


Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang
aking amoy.
Amoy matanda, amoy lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo.
Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan,
huwag mo sana akong pandirihan.


Natatandaan mo noong bata ka pa?
pinagtiyagaan kitang habulin
sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas,
ako'y masungit,
dala na marahil ito ng katandaan.
Pagtanda mo,
maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon,
magkwentohan naman tayo,
kahit sandali lang. inip na ako sa
bahay, maghapong nag-iisa.
Walang kausap.
Alam kong busy ka sa trabaho,
subalit nais kong malaman mo na
sabik na sabik na akong makakwentohan ka,
kahit alam kong hindi ka
interesado sa mga kwento ko.


Natatandaan mo anak,
noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kong pakinggan at
intindihin ang pautal-utal mong
kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na
ako'y magkakasakit at
maratay sa banig ng karamdaman,
huwag mo sana akong
pagsawaan alagaan.
Pagpasensyahan mo na sana kung ako
man ay maihi o madumi sa higaan,
pagtiyagaan mo sana
akong alagaan sa mga huling sandali
ng aking buhay.


Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking
pagpanaw,
hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo
ako ng lakas ng
loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag
kaharap ko na ang Diyos
na lumikha, ibubulong ko sa kanya na
pagapalain ka sana ...
dahil naging mapagmahal ka
sa iyong ama't ina...

-Written by Ariel F. Robles
Baliuag, Bulacan

Comments: Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]





<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

Subscribe to Posts [Atom]